GENERAL EMILIO AGUINALDO NATIONAL HIGH SCHOOL
SCHOOL ID : 301190
𝗦𝗮𝗽𝗮𝘁 𝗻𝗮 𝗸𝗮𝗮𝗹𝗮𝗺𝗮𝗻, 𝗱𝗮𝗮𝗻 𝘁𝘂𝗻𝗴𝗼 𝘀𝗮 𝗶𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗩𝗔𝗪-𝗳𝗿𝗲𝗲 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲𝘀
December 02, 2022
Bilang pakikiisa sa pambansang adbokasiya na labanan ang mga karahasang pangkasarian, isinagawa ng ating paaralan ang isang seminar ukol sa Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004) at Child Protection Policy ngayong Biyernes sa Online Hub.
Pinasimulan ng Kagawaran ng Araling Panlipunan ang nasabing aktibidad kung saan dumalo ang mga Pangulo ng bawat klase sa Baitang 8 at 10.
Pinangunahan ng mga eksperto ang talakayan ukol sa mga polisiyang naglalayong protektahan ang karapatan ng mga kababaihan at kabataan.
Nagkaroon rin Open Forum kung saan sinagot nina PMS Sarah Jane F. Drio ng Imus City Police Station at G. Renante S. Dejanio ng Guidance Office ang mga katanungan at pagbabahagi ng mga mag-aaral na dumalo.
Ayon kay Gng. Anamari G. Ricafort, GAD Focal Person, ang kampanyang ito ay malaking tulong para mawakasan ang anumang uri ng karahasan sa ating lipunan.
Proud GEANHS Legacy Project
December 16, 2022
Isang selebrasyon ng pagkakaisa at pagtutulungan ang idinaos sa unang bahagi ng Proud GEANHS Gabi ng Parangal ngayong gabi sa GEANHS Covered Court.
Bunga ng bayanihan ng mga alumni, ng komunidad, mga pribadong indibidwal, organisasyon at ng Local Government Unit (LGU) ng Imus City, Bacoor City at Cavite Province, naisakatuparan ang limang natatanging pamanang proyekto ng ating paaralan.
1. Entablado ng Karunungan para sa mga Batang Emilian
2. LED Wall 8.410.5
3. Complete Set of Band Instruments for Emilian Performing Arts Guild (EPAG)
4. Mega Sound System with Lights
5. School Van
𝗘𝗺𝗶𝗹𝗶𝗮𝗻𝗼 𝘄𝗮𝗴𝗶 𝘀𝗮 𝗣𝗮𝗻𝗱𝗶𝗯𝗶𝘀𝘆𝗼𝗻𝗴 𝗧𝗮𝗹𝘂𝗺𝗽𝗮𝘁𝗶
December 22, 2022 Isinulat ni : Jerico Hiel B. Astillero
Kinilala si Jhea M. Tequillo ng G10 Aristotle bilang Ikalawang pinakamahusay na mag-aaral sa larangan ng pagtatalumpati sa katatapos lang na Pandibisyong Tagisan ng Talino at Talento na ginanap sa Imus National High School kahapon.
Sa kanyang piyesang "Mag-aaral na Pilipino Susulong at Magpapatuloy sa Kabila ng Pandemya", ginawaran si Tequillo ng Ikalawang puwesto sa nasabing patimpalak.
"Nakaka proud po kasi sa tatlong nanalo ako lang po yung pinakabata, yung dalawa po kasi parehong senior highschool na grade 12", wika ng junior high school na estudyanteng si Tequillo.
Bago ang nasabing patimpalak, nagkaroon muna ng elimination round kung saan napili si Jhea sa limang makakapasok sa final round kalaban ang 10 paaralan mula sa mga pampublikong junior at senior high school sa Imus.
Pinatnubayan at sinanay ang mag-aaral nina G. Jerico Hiel B. Astillero at Bb. Irish V. Baquiran mga guro sa Filipino ng GEANHS.
Ito ang kauna-unahang harapang patimpalak na isinagawa sa Dibisyon ng Imus matapos ang pandemya.
𝗣𝗮𝗺𝗯𝗮𝗻𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗕𝘂𝘄𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗴𝗯𝗮𝘀𝗮 𝟮𝟬𝟮𝟮
𝗦𝗮 𝗣𝗮𝗴𝗯𝗮𝘀𝗮, 𝗘𝗺𝗶𝗹𝗶𝗮𝗻𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗡𝗮𝗻𝗴𝘂𝗻𝗴𝘂𝗻𝗮!
December 02, 2022 I Isinulat ni G. Jerico Hiel Astillero
Ipinakita ng Gen. Emilio Aguinaldo National High School ang kanilang pakikiisa sa pagbibigay halaga sa pagbasa sa pamamagitan ng iba't ibang mga gawaing may layuning pukawin ang interes at paunlarin ang kasanayan ng mga mag-aaral sa pagbabasa.
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Pagbasa, pinangunahan ng mga guro at mag-aaral ng GEANHS ang ilang mga aktibidad na patungkol sa pagbabasa.
Suportado ang nasabing gawain ng Department Memorandum ng DepEd sa ilalim ng Curriculum and Implementations Division bilang 389 serye 2022 ang isang buwang pagdiriwang sa pagbibigay importansya sa pagbasa.
Ayon sa nasabing memorandum, gagawain ang mga aktibidad nang hindi makakasagabal sa regular na pag-aaral ng mga bata sa silid aralan kung kaya ang mga gawain ay isinagawa bilang bahagi ng kanilang aralin.
Ang apat na linggong mga aktibidad ay nilahukan naman at sinuportahan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagpapamalas ng kani-kanilang angking husay at talento sa bawat gawaing itinakda ng guro.
𝙋𝙖𝙜𝙡𝙞𝙠𝙝𝙖 𝙣𝙜 𝙄𝙨𝙡𝙤𝙜𝙖𝙣
Ipinamalas ng mga mag-aaral ang kanilang pagkamalikhain at higit ang kanilang kasanayang pangwika sa pamamagitan ng pagbuo ng Islogang tutukoy sa kahalagahan ng aklat at pagbabasa.
Tinukoy nila sa kanilang obra ang personal nilang pagkilala sa kahalagahan ng nasabing gawain na inspirado ng kanilang karanasan sa mga akdang pampanitikang kanilang nabasa.
Bukod sa mensaheng pa-islogan, ang kasanayan sa pagkamalikhain ay naipamalas din ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng malayang presentasyon ng kanilang obra sa pamamagitan ng pagguhit at pagkukulay.
𝙋𝙖𝙜𝙜𝙖𝙬𝙖 𝙣𝙜 𝘽𝙤𝙤𝙠𝙢𝙖𝙧𝙠
Gamit ang kanilang talento at kasanayan sa pagguhit, lumikha ng bookmark ang mga Emiliano na naglalaman ng larawang guhit ng paborito nilang tauhan mula sa isang binasang aklat at ang mensaheng ibinahagi nito sa mga mambabasa.
Layunin rin ng nasabing gawain na ipaalala ang halaga ng pagbabasa ng libro na kung saan ay may mapupulot tayong mahalagang mensahe na maaaring maging patnubay at inspirasyon natin sa pagkatuto at sa pagharap sa buhay.
𝘾𝙝𝙖𝙧𝙖𝙘𝙩𝙚𝙧 𝙋𝙤𝙧𝙩𝙧𝙖𝙮
Inabangan ng mga mag-aaral ang character portray exhibition ng mga estudyante na kung saan ang mga piling mag-aaral ay magsusuot ng kasuotang gagaya sa kanilang paboritong tauhang pampanitikan.
Naging puhunan ng mga Emiliano ang kanilang imahinasyon upang maisagawa ang aktibidad na ito.
Naipamalas din nila ang sining sa pang entablado sapagkat ang bawat tauhan ay kinakailangang bumigkas ng pamosong linya ng tauhang kanilang ginaganapan.
Maaaring gawin ito sa loob ng klase o gumawa ng video at maaaring i-upload sa kanilang social media account tulad ng facebook, youtube at tiktok.
Nagkaroon din ng photoshoot ang mga mag-aaral na kung saan ang kanilang kuhang larawan ay inilagay sa frame at naidisplay sa exhibit ng mga gawain.
𝙀𝙭𝙝𝙞𝙗𝙞𝙩 𝙣𝙜 𝙢𝙜𝙖 𝙂𝙖𝙬𝙖𝙞𝙣
Nagkaroon ng exhibit ng mga natapos na gawain ang GEANHS para sa Pambansang Buwan ng Pagbasa na may layuning ipamalas ang mga kasanayan at talento ng mga mag-aaral sa natapos na gawain.
Ipinakita sa exhibit ang mga mahuhusay na gawa ng mga mag-aaral sa nakalipas na pagdiriwang tulad ng islogan, bookmark at mga larawan.
Nagkaroon din ng viewing ng mahuhusay na video presentation ng character portrayal ng mga mag-aaral upang maipakita sa mga magulang at mga kapwa mag aaral ang kasanayang ipinamalas ng bawat isa.
Ang exhibit ay bahagi na rin ng pampinid na gawaing magbibigay katuparan sa layunin ng pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Pagbasa na nilahukan ng mga mag-aaral na Emiliano.